Metung a Silip King Pegmulan ( Isang Silip sa Pinagmulan )

Ika-anim ng Disyembre, taong dalawang-libo at labing-lima.

Nag-unat pagkatapos ay bumangon, bakas sa aking mukha ang pagkapuyat sapagkat ako ay nagising ng ala una ng madaling araw. Medyo may kasakitan pa ang tiyan, hindi kasi ako sanay gumising ng ganitong kaaga kung kaya't inilabas ko ang tasa at nagpainit ng tubig, uminom at nilanghap ang amoy ng kape. " Handa nako! Panibagong karanasan na naman 'to para sayo Justine! ".

Bandang alas-tres ng ako'y umalis sa aming tahanan,
Dala ko ang aking camera na syang magsisilbing taguan ng aking mga masasaksihan, at syempre bitbit ko ang aking pangarap na sa wakas matutupad ang isa sa aking mga pangarap. Isang misyon hindi lang para sa akin kundi sa mga estudyante ng Letran Calamba ang magbigay ng maagang pamasko at bilang pagkilala sa diwa ng pagtulong sa ibang tao.


Marahil mga alas-singko na ng umaga noong kami'y nagsimulang maglakbay patungong Porac, Pampanga.

 

Ang aming destinasyon ay ang Sienna Mission School, isang maliit na komunidad ng mga Aeta sa Porac. Liblib na lugar, lubak-lubak na daan na tila may kalayuan din sa kabayanan. Hindi ako mapakali sa papanibik, at pagbibigay ng paunang paglalarawan sa kung anong makikita ko pagdating ko. Katulad kaya sila ng mga nababasa ko sa aklat? Una kong nakuha ang kaalaman tungkol sa mga Aeta noong ako'y nasa elementarya na noo'y nakatatak na sa memorya ko ang pangalang Henry Otley Beyer para sa kanyang Migration Wave Theory at F. Landa Jocano para sa kanyang Core Population Theory.

 
Masanting a abak. Isang lugar na bibihira kong masilayan, malayong-malayo sa lugar na aking pinagmulan. Ang simoy ng hangin ay maaliwalas, walang polusyon at ibang-iba sa kabayanan. Sa aming pagdating sumalubong kaagad ang kanilang bahay kubo na nagpapakita agad ng kulturang Pilipino.
 

Agad-agad akong bumaba ng sasakyan, inihanda ang aking gamit at dali-daling tumakbo papalapit sa mga batang Aeta. Una ko agad napansin ang kanilang mga kulutang buhok, mga malalaking mata, maiitim na kulay ng balat at syempre, ang kanilang mga ngiti. Isang buong araw ko silang makakasama, at walang ibang gagawin kundi makipagsayahan, makipagkwentuhan at kuhanan sila ng litrato.
 


 
Pumasok kami sa isang silid aralan at hindi ko inasahan dami ng batang Aeta na aming makakasama. Bilang isang Katoliko/Dominikanong paaralan, sinimulan namin ang lahat sa dasal. Nagulat ako ng isa-isa nilang pinagdikit ang kanilang dasal at sumabay sa aming panalangin. Noon pa lamang ay nakita ko na sila ay nabigyan ng maayos na pag-gabay sa spiritwal  na aspeto ng kanilang buhay.
 



Sumayaw,nagkulay, gumuhit at nagbahigan ng pagmamahal. Punong-puno ng kasiyahan, lahat ay may partisipasyon, ngumingiti at sinusulit ang bawat sandal. Panandalian kong iniwan ang karaniwang buhay na meron ako at kinuhanan ang " miminsanang " pagkakataon na'to.













 
 
 
 



Habang abala ang ilan sa mga aktibidades na inihanda para sa mga bata, ako nama'y panandaliang sumaglit at nakipagkwentuhan sa mga matatandang Aeta. Doon ko nalaman na hindi pala talaga sila taga-Porac kundi taga Zambales. Noong 1991, isa sa hindi makakalimutang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas maging sa ibang panig ng mundo ang pagputok ng Bundok Pinatubo. Ang Bundok Pinatubo ay sakop ng tatlong lalawigan ng Tarlac, Zambales at Pampanga. Pinapaniwalaan na pamula pa man ng sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas ay nakatira na ang mga Aeta sa Bundok. Sinasabi na nasa 30,000 katao noon ang nakatira sa Pinatubo kasama na ang aking mga nakakwentuhan. Ayon sa mga matatanda, karamihan daw sa kanilang mga kamag-anak ay namatay ng dahil sa pagbutok ng bundok/bulkan. Dito sila dinala at tuluyang naninrahan pagkatapos ng nangyaring trahedya.


At doon ko nakilala si Lucerio Garcia, isang katutubong Aeta, sinasabing nasaksihan nya ang digmaan noon sa pagitan ng mga Pilipino at mga Hapon. Ang ikinabubuhay daw nila noon ay ang pagtatanim, pagkuha ng mga gabi. Siya daw ay marunong at magaling sa paggamit ng pana.


 

Para sa huling bahagi, amin ng inihandog ang dala naming regalo sa mga mamamayan ng Sienna.






 
Isang karanasang babaunin ko habangbuhay. Isang pangungusap na magpapaliwanag sa buong araw kong nakasama ang mga katutubong Aeta. Ang makatulong at makapagbigay ng saya sa kapwa ay isa sa mg bagay na kailangang buhayin sa bansa natin. Ang diwa ng Pasko at diwa ng pagiging Piipino ay pinagbuklod at nakabuo ng isang hindi makakalimutang alaala.

 


 
 




 
Angga king tutuki. Kaluguran da kayu!

Comments

Popular Posts