PAMBANSANG BAYANI

Isang makabuluhang paglalakbay ang aking ginawa para sa proyektong ito. May halong pananabik sapagkat sa araw na yon ay lubos kong malalaman ang iba’t-ibang bagay tungkol sa ating pambansang bayani.
 
Una kong pinuntahan ang monumento ni Rizal sa tapat ng munisipyo ng Calamba. Ito ay itinayo noong 2011 upang paggunita sa ika-150 taong kaarawan ni Gat Jose Rizal.
 

 
 
 

Sa Lecheria sa may bayan ng Calamba ay matatagpuan ang isang samahan na tinawag na Iglesia Watawat ng Lahi Inc. Aking nakapanayam ang kasalukuyang namumuno sa kanila na si Msgr. Galo P. Novero. Ayon sa kanya nagsimula ang samahan noong Disyembre 24, 1936 ng tawagin ng isang mahiwagang tinig ang apat na mananaliksik na taga Maynila, Cabuyao, Los Banos at Calamba. Ayon sa kanya ang mga ito daw ay nagpalipas ng hating gabi sa Lecheria at sinabi sa kanila ng mahiwagang tinig na makatanggap sila ng isang gantimpala at ito nga ay ang Iglesia Watawat ng Lahi.May limangpung taon daw nangaral ang mga ito upang mapalaganap ang kanilang paniniwala.  Ayon din sa kanya, si Gat Jose Rizal raw ay ang Diyos Espiritu Santo na binibigyang patunaw at patotoo sa ilang berso sa bibliya. Ang bibliya ang kanilang pinagbabatayan, ang pagkakaiba lamang daw ay ang pagkakaiba ng ating pagkakaunawa sa mga nakasulat dito. Si Rizal daw ay syang katulad ni Kristo at sa ibang pagkakataon ay nahigitan pa si Kristo. Nagtanong ako, “ Sa anong paraan po nahigitan ni Rizal si Kristo?”. ang ating bayani raw ay kayang magsalita ng 22 lenguwahe samantalang si Kristo ay apat lamang, at nakapagtala si Rizal ng 50 milagro habang si Kristo ay 36. Isa ito sa hindi ko makakapalimutang panayam na nagawa ko sa buhay ko.

 
 
 
 
 
 
 
 May ilang ulit na akong nakabalik sa bahay ni Pepe ngunit labis padin ang pagkamangha ko sa aking mga nakikita. Nakakatuwang isipin na nasa harap ko, nakikita ko ang ilan sa mga kagamitan sa panahon ng ating pambansang bayani. Ang bahay nila na sumisimbolo ng karangyaan ngunit payak na kapaligiran. Ang karwaheng hanggang ngayon ay nakikita pa, ang kama at hapag kainan. Sa aking paglilibot sa Calamba ay napansin ko rin na maaaninag mo padin ang mga lumang bahay na nakatayo parin sa paglipas ng panahon. Sa aking pagmamasid ay nasabi kong tunay na ang Lungsod ng Calamba ay isang maganda at mayamang  lugar, lalo’t higit sa kasaysayan. Minsan naiisip ko na b ka ang tinutuntungan kong lugar ay natungtungan ko na din nya at ang mga bagay na ginamit at nagging parte ng buhay nya ay tinitingnan na ng mga mata ko ngayon.
 
 




 



 
Huli kong pinuntahan ang bahay ni Paciano Rizal, ang nakakatandang kapatid ni Jose, sa Los Banos, Laguna. Lubos ang aking pagkagulat ng malaman ko sa aking propesor na may bahay pala si Paciano sa Los Banos kaya’t ako’y nanabik na makapasok at masaksihan ang nilalaman ng bahay niya. Ang bahay nya ay hindi ganoong kalakihan, ngunit ang bawat sulok ng bahay ay nagpapakita ng iba’t-ibang karanasan sa buhay ni Paciano at angkan ng Rizal. Makikita sa loob ng bahay ang mga litrato ng pamilya Rizal, karamihan ay nakasabit sa dingding. May pagkatakot na nadama sapagkat ang mga larawan ay nagpapakita ng mga sinaunang uri ng pamumuhay na makikita sa kanilang mga kasuotan Naroon din ang isang nililok na mukha ni Paciano, ang kama at upuan na kanyang pinaghimlayan bago siya mamatay. Ibang pakiramdam ang dumating sa akin noong mahawakan ko ang lamesang noo’y ginamit ng ating pambansang bayan sa bahay ng kanyang Nora Sisa. Nandoon din ang “ binocular “ na ginamit ni General Paciano noong rebolusyon sa pamula 1896 hanggang 1898. Sa likod ng bahay ay matatanaw mo ang isang payak at mapayapang pamumuhay, sapagkat iyong matatanaw ang Lawa ng Laguna. Sa harap ng bahay ay nakatayo ang kanyang monumento at ang kanyang himlayan. 
 


 









 



 


 
Ang araw na iyon ay naging makabuluhan, ibang saya at galak ang naidulot sa akin. Ang lahat ng nasilayan ko ay maaaring maluma, o mawala sa hinaharap pero tiyak ako na hindi ito mabubura na sa aking isipan. Napakalaking oportunidad ang naibigay sa akin ng proyektong ito na mas maunawaan ang buhay ni Rizal lalo’t higit ang kasaysayan ng ating bansa. Ang paghanga at pagbibigay pugay ko sa kanya ay hindi magbabago, tanging ang kaalaman ko lamang sapagkat ito’y patuloy na lumalago. Hindi sa pagkamatay niya natatapos ang adhikaing maging Malaya ang Pilipinas, ito ay dapat isinasabuhay ng mga Pilipino sa pang araw-araw na pamumuhay. Sadya ngang kakaiba ang naidulot ni Gat Jose Rizal sa ating bayan, lalo’t higit sa puso ng mga Pilipino.   Ang kanyang inspirasyong iniwan ay patuloy na mabubuhay sa paglipas ng panahon at magpapasalin-salin sa mga susunod pang henerasyon.
 





 






Comments

Popular Posts