'Kay Sarap Nga Namang Isipin

'Kay sarap nga namang isipin
na parang kailan lang noong ika'y masilayan
Noong sumusunod lamang ang aking mga mata habang ika'y naglalakad
habang ngayon ako'y nakatitig na sa iyo habang ika'y aking yakap-yakap

Ang swerte ko nga naman talaga
O sobrang lakas ko lang talaga sa kanya
Naniniwala kasi ako na bukod sa tadhana,
hindi ka lang basta binigay, pinaghirapan kita
Natuto akong pumila, umasa, maghintay
manligaw, bumili ng mga rosas, at sumulat
Sumulat ng mga salitang sayo'y magpapabatid
ng sinsero kong pagmamahal.
Gusto ko din naman, gusto ko din.
Na sana kung papalarin, kung papalarin, mahalin mo din ako.
At nangyari nga, tayo'y tuluyan ng nagmahalan.
Kaya't natanong ko sa sarili ko, ano na nga bang sunod dito?

Binalikan ko nung una akong nagtapat
Hindi ba't ang layon ko ay mapasaya ka?
Na noon ay bilang isang binibining aking sinusuyo ko't pinapangiti
Na binabahaginan ng aking kaalaman upang maramdaman na ika'y espesyal
Na namumukod tangi ka sa lahat.

Pero iba na ngayon.

Gusto kong malaman mo na ikaw na ang prinsesang nais kong akin lamang
Hindi sa pagmamaramot kundi ayaw ko lamang na maagaw ka pa sa akin ng iba
Nais kong malaman mong ang bawat salitang lalabas sa bibig mo'y mahalaga,
ang opinyon, mga kwento, mga biro mo'y aking pinakikinggan
Handa akong intindihin ang bawat kalabisan at kakulangan sa pagkatao mo
Dahil alam ko na ang gusto ko sa buhay
At alam kong bukod sa materyal at personal kong pangarap,
Ikaw ang pangarap ko.
Yung buhay na kasama ka, yung tayong dalawa.

Mahal na mahal kita, at araw-araw kong ipaparamdam sayo yan.

Comments

Popular Posts