I T A


   " Pogi ibili mo naman ako sa tindahan ng paborita "

  Solita/Cholita Gutierrez Alimon. Ipinanganak noong Setyembre 24, 1936. Panganay sa labing-apat na magkapatid. Nakapag-aral ng hanggang elementarya. Walang asawa.

  Isang bagay lang ang palagi kong natatandaan sa kanya, ang pagkaway na may kasamang ngiti sa tuwing aalis at dadating ako ng aming bahay. Naroon sya sa labas ng kanyang tahanan at nakikinig ng mga tugtugin sa maliit na radyo. Minsan naiisip ko kung ano ang pakiramdam ng tumandang mag-isa ( na walang asawa, walang anak ). Ibinuhos nya ang kanyang pagmamahal sa kanyang mga kapatid, pamangkin at mga apo.

   Nagsimula ang kanyang karamdaman noong siya ay nadapa na naging sanhi ng paghihirap nya sa paglakad. Meron din siyang hika tulad ng kanyang inang si Eufemia. Naging malubha ito kaya isinugod sya sa ospital. Nanatili sya doon ng isang linggo at napagdesisyunan na manatili nalang sya sa kanyang tahanan.

  Noong una ko syang dinalaw, ang ngiti nya na naman ang aking nadatnan. 

  " Kilala mo pa yan? " sabi ng kanyang tagapagbantay.

  " Oo naman, ang pinaka-pogi kong apo " sabay ngiti sakin.




 Tumabi ako sa kanya at hinaplos ko ang kanyang kamay. Nakita ko ang payat nyang laman na dala na din ng katandaan. Mabilis din akong nagpaalam at humalik sa kanyang noo."

  " Magpagaling ka ita, kakain pa tayo ng madami sa pasko tas makikita mo pa magiging apo " nagsitawanan ang lahat. 


  " Ita matulog kana, paano ka gagaling nan? "

  " Ayoko pa "

  " Ita kami naman ang mamatay nan sa pagbabantay sayo "

  " Ayokong matulog, baka di na ko magising "


  Sa tuwing napunta ako sa kanya, palagi nyang sinasabi " Wag kang aalis, wag kang aalis. " Hindi ko alam kung paano, hindi ko alam kung bakit pero sa tuwing naririnig ko ang boses nya, hindi ko mapigilan ang mga luha sa aking mata. Dito ko naramdaman at napagtanto na lahat ng bagay ay may hangganan. Ang tanging magagawa lang natin ay itago at pahalagahan ang mga iniwan nilang ala-ala sa ating puso. Isabuhay ang bawat aral na sa kanila'y ating natutunan. At itanim sa isipan na minsan sila ay naging bahagi ng ating buhay.


Mahal na mahal kita Lola Ita, nawa'y maging masaya at mapayapa ang iyong kaluluwa sa piling ng Poong Maykapal.






Comments

Popular Posts